Wednesday, 28 November 2018

Sintahang Romeo at Juliet

(Dula mula sa Inglatera ni William Shakespeare)


Isinalin sa Filipino ni Gregorio Borlaza



 PAGKILALA SA MAY-AKDA

 
William Shakespeare 

       Isang makatang Ingles, mandudula, at aktor, at malawakang kinikilala bílang pinakamahusay na manunulat ng wikang Ingles at preeminenteng dramaturgo ng mundo. Madalas siyang tinatawag na pambansang makata ng Inglatera, at tinaguriang "Bardo ng Avon". Sa edad na 18, pinakasalan niya si Anne Hathaway, at nagkaroon sila ng tatlong anak.

Bakit isinulat ni William Shakespeare ang “Sintahang Romeo at Juliet?”

        Walang nakakaalam ng tunay na rason kung bakit isinulat ni Shakespeare ang Romeo at Juliet. Ang dulang ito ay dapat na gagawing komedya ngunit pagdating sa wakas, naging trahedya na ang katapusan nito. Mayroong mga teorya kung bakit sinulat ni William Shakespeare ang akda. Isa na rito ang sinasabing malungkot daw siya sa pagpapakasal niya sa kanyang asawa na 8 taon ang tanda sa kanya na siyang nag-udyok na isulat ang trahedyang bahagi nito.

URI NG PANITIKAN



Isang eksena habang itinatanghal ang Romeo at Juliet


     Ginamit ni William Shakespeare ang dula. Ang dula ay isinulat upang itanghal. Ito ay nahahati sa mga yugto na humuhudyat ng paglaladlad ng telon sa pagtatanghal. Ang mga pangyayari sa dula ay isinasalaysay sa pamamagitan ng mga diyalogo.





LAYUNIN NG AKDA

     Imulat ang mga taong walang ganap na pag-intindi sa mga bagay. Tulad ng kwento nina Romeo at Juliet, ang kamatayan nila ang naging bunga ng hidwaang walang tigil sa pagitan ng dalawang pamilya. Nais niya ring ipabatid sa mga kabataan na hindi laging puno ng saya at kulay ang pagmamahalan, mayroon ding kasamang lungkot at pighati sa pag-iibigan.



MGA TEORYANG PAMPANITIKAN


Teoryang Romantisismo

•Romantisismo – Kitang-kita sa dulang ito ang iba’t ibang mga paraan ng pagpaparamdam ng pagmamahal ng magkasintahan. Pag-ibig ang pinaka-paksa ng dula.

“Sa takot na ganito nga, ako’y titigil sa iyong piling, dito, dito na ako tatahan” –Romeo

(Handang mamatay si Romeo upang makasama lamang ang kanyang mahal sa kabilang buhay)



   
Teoryang Klasismo

 •Klasismo – masasabing klasismo ito  sa parteng pagpapakita ng pag-iibigan ng magkasintahan na magkaibang estado ngunit masasabi rin itong hindi dahil hindi payak at hindi tinipid ang mga salita o diyalogo ng dula. 

“Itanggi ang iyong ama’t ang pangala’y itakwil mo! O kung hindi, isumpa mong ako’y iniibig, at hindi na ako magiging Capulet” –Juliet
 
(Ipinapakita rito ang mga balakid sa kanilang pagmamahalan ng dahil lamang sa kanilang mga pamilya)



Teoryang Eksistensyalismo

•Eksistensyalismo – nagdesisyon si Juliet na magpakasal kay Romeo para sa kanyang sariling kaligayahan. 

“Ako’y papakasal sa taong di pa man nanliligaw” –Juliet 

(Ipinahihiwatig na si Juliet ay nagdesisyon na magpakasal kay Romeo)






Teoryang Formalistiko

•Formalistiko – Tuwirang ipinahayag ni Shakespeare ang kanyang mensahe. Kahit mayroong mga simbolismo sa ilang mga diyalogo, madali naman itong intindihan at unawain. 

“Sapagkat wala pang makakasinlungkot ang naging buhay ni Juliet at ni Romeo na kanyang irog”

(Tuwirang ipinapabatid ni Shakespeare ang kanyang mensahe patungkol kina Romeo at Juliet)

TEMA O PAKSA NG AKDA


    Ito ay patungkol sa pag-ibig. Ang kanilang pag-ibig na hinahamak ng maraming pagsubok. Kahit na maraming humahadlang sa kanilang pagsasama, ipinaglaban nila ito hanggang kamatayan.  





MGA TAUHAN/KARAKTER SA AKDA

(Nabanggit lamang sa akda)

Ilang mga tauhan sa akda
•Romeo at Juliet – ang magkasintahang nagkaroon ng masaklap na wakas
•Tybalt – kapamilya ni Juliet
•Capulet – tiyo ni Juliet ayon sa aklat ngunit walang pangalan (pangalan ng pamilya ni Juliet)
•Montague – pamilya ni Romeo
•Nars – tagapangalaga ni Juliet
•Padre – tumulong kina Romeo at Juliet
•Baltazar – nagdala ng masamang balita kay Romeo
• Butikaryo – tagagawa ng lason.

Ang mga taong ito ay fictional lamang. Hindi totoo at likhang-isip lamang ni Shakespeare. Sila ang naging susi upang maging matagumpay ang dula. 

TAGPUAN/PANAHON




     Nabanggit sa unang tagpo na pupunta sa piging sa bahay ng mga Capulet sina Paris at Romeo.


    Sa ikalawang tagpo naman binanggit ang pagtatagpo sa bulwagan ng mga bidang karakter.


    Sa ikapitong tagpo inilahad ang pagdating ni Baltazar sa Verona kung saan naroroon si Romeo.

Opinyon:

     Ang mga tagpuan at kapanahunan na ito ay masasabi naming totoo at nangyayari sa totoong buhay. Mayroon namang mga pangyayari na di na ganong nagagawa sa panahon ngayon kaya’t masasabi naming luma na ang dula at ang estilo ng pagkakasulat nito.

NILALAMAN O BALANGKAS

Hindi naging magulo para sa amin ang dula. Naintindihan namin ito dahil sa simula pa lamang ay maayos at detalyadong ipinaliwanag ang mga pangyayari. Mas nagiging kasabik-sabik ang dula habang ito’y patapos na. Sa pamamagitan nito, napatunayan ni Shakespeare ang pagiging malikhain at pagiging organisado niyang tao sa pagsusulat ng dula. Ginamitan niya ito ng mga talinghaga upang mas mapa-isip ang mga tao at maakit sila. Ipinakita niya  na nananaig pa rin hanggang dulo ang tunay na pag-ibig na siyang nag-aayos sa lahat ng gusot.

MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA


•Ipaglaban kung ano ang ninanais ng puso ngunit gawin ito ng may respeto sa iyong sarili.
•Hahamakin ang lahat para sa pag-ibig.
•Dahil sa pagmamahalan nina Romeo at Juliet, nagbunga ito ng mga pagkakasundo ng kanilang mga pamilya na dati ay magkaaway.



ESTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA

Ilang mga diyalogo sa Romeo at Juliet
     


 Sa unang pagbasa’y mahirap intindihin ang mga diyalogo ng mga karakter ngunit kung hihimay-himayin ito ay maliliwanagan ka sa nais iparating ng may-akda. Mayroong mga diyalogong payak at mababaw ngunit noong ipinagsamasama ito ay nagkaroon ito ng iba pang kahulugan kaya’t masasabi naming masining at mahusay ang pagpili at pag-isip ng mga diyalogo. Kawili-wili itong basahin dahil nararamdaman mong kasapi ka rin ng dulang/diyalogong iyong binabasa. Tila ang dula at mambabasa ay nagkakaroon ng koneksyon dahil sa ginamit na mga salita.





BUOD



      Matagal nang may hidwaan ang mga pamilyang Capulet at Montague. Nagkita sa isang piging sina Romeo at Juliet na pawang mga kasapi ng magkaaway na pamilya. Sila’y agad na nangako na magpakasal. Natuloy ang kanilang pag-iisang dibdib. Dahil sa mga masasamang pangyayari, naipatapon si Romeo sa ibang lugar (Verona). Nakatakdang ipakasal si Juliet sa ibang lalaki kaya’t naghanap siya ng paraan at siya’y natulog ng mahabang panahon. Inakala ni Romeo na patay na si Juliet kaya’t uminom siya ng lason at namatay sa tabi ni Juliet. Nang magising si Juliet at nalaman na patay na si Romeo, sinaksak niya ang kanyang sarili. Nagkabati ang dalawang pamilya.



1 comment:

  1. omygod. this is what i've been looking for! thank you for this.

    ReplyDelete